Wednesday, February 4, 2009

Tapakmasid

Ulinigan ng mga pirapirasong tansan. Mayroong plastik at latang hawak. Patuloy na naglakad. At lumakad.
May naghihiyawan. At kaba'y naramdaman. Nasilayan ang pangungulag sa lapag ng luntiang putik. Patuloy na humiyaw. At awa ang naramdaman.
Naghabulan. Nagkantyawan. Naglalaro ng cara y cruz sa daanan. May natalo. May nanalo. Tuloy sa paglakad.
Usok ng mga bigong pangarap. Bawat hithit ay masaklap na karanasan. Bawat singhot ay lutang sa murang isip na pilit na iniintindi ang kamalasan. Kaawaawa. Nagkakaintindihan. Nagsusuyuan ng mundong litaw sa kabalintunaan. Patuloy sa paglakad.
Hibi ng isang musmos. Naghahanap ng isang uyayi. Ng masisilayan. Nagbabasakaling maginhawaan. Umaasa. Ayaw kumubli sa katotohanan. Bawat luha ay galili sa isang munting pangarap. Nagkukubli. Umiiwas.
Barya-baryang hapit sa galas. Nagsusumamo. Musika'y bulag sa nota. Sigaw buhat sa dibdib. Masakit. Mabigat. Umaasam. Dalisay makakita. Pirme apura.

Patuloy pa rin sa paglakad. Daanang wari'y silakbo sa dahas at purong galugad. Dilim na may patutunguhan. May patutunguhan.

Malamig ang bawat biyak ng mga bato. Ramdam ang pag-uusisa. Usisa ng kawalan ng dangal. Dangal na may dignidad. Respeto ng bawat isa. Pantay-pantay. Wala na.
May naghihimagsik. Baliw sa katotohanan. Kulang na ekidad. Kumikuwestiyon sa tunay na tugon. Walang nakarinig. Walang umalingawngaw. Patuloy sa paglakad.
Nalipasan ang mga maririkit na tagumpay. Balat ay kulubot na. Nakalimutan. Napagsawaan ng mga panahong kay rahas. Hanap ay dunong. Maiwastong kamalian. Kung may maibabalik pa. Patuloy sa paglakad.
Kung makakapagsalita lamang ang istatwa. Istatwang nagsilbing tagapagligtas sa mga kasalanan. Kasalanang hindi ginawa. Sinagip ang mga walang utang na loob. Mga makapangyarihan. Puro poot ang mga kasamaang ikinasaya ng apoy hapit sa sakit. Lurayluray na mga kandarapa.

Patuloy pa rin sa paglakad. Malapit na. Mararating na din sa wakas ang dapat paroonan. May naghihintay. Sabik. Kanaw sa liwanag. Patuloy humahagilap. May maiuuwian pa. Mayroon pa. Malapit na.

Umakyat sa nayong kay taas. Umaalingasaw ang tapon-tapon na basura. Pasensya na. Disenteng tiraha'y wala na. Patuloy pa rin sa paglakad. Umaapura sa mundong kinagagalawan. Wala na ang araw. Natabunan. Nakudyapi. Napagpintasan ng kinasusuklaman. Ang kadiliman.

Ramdam ay nginig. Hapit sa buto ang sakit. Sakali'y gutom ang bunga. Sinanay na. Waring naninibugho sa katas ng buhay. Itinawag ang pangalan na minsa'y minahal ako. Ngayo'y limot na sa katotohanang tunay na paksa. Ang katiwasayan. Ang pananabik.

Patuloy ang pagsigaw. Sumigaw. At isinigaw.

Nagtatanong sa isip na walang nakakaalam. Nasaan na siya? Nasaan ang aking hinahanap? Ang aking ikinasama ng buong buhay simula'y musmos pa. Daing ko'y iyong tugunan. Hinahanap kita. Nasasabik sa iyo. Nagsusumamo. Hanap ay ang pagmamahal. Hanap ay pag-asa.

Natanaw ko siya sa isang katreng puno ng alikabok at agiw. Madilim. Malamig. Pinuntahan ko siya. Saba'y sabing ako'y nandito na. Tahimik. Walang tugon. Walang pahayag. Walang bigkas. Kahit isang letra. Patuloy sa pagsabing ako'y nandito na. Umimik. Malungkot. Blangko. Hindi nagsalita. Hinawakan ko siya. Isang malamig na mga kamay. Lamig na walang konting init ang nananalaytay. Wala na ang aking inabutan. Buhat sa kasarimlan na patuloy naghahaluyhoy. Wala na pala siya. Iniwan. Isinugal. Iniyakan. Wala na siya. Wala na.

Isang hiyaw na galit ang nagmula sa kalangitan. Kumulog.
At biglang umulan...

1 comment:

  1. GRABEH mga p0sts sng mga bloggers cbng. i w0nder y they have g0ne s0 DEEP lately. hehehe..

    =))

    ReplyDelete